Aktor at karelasyon ‘di na pinag-iingay ang mga ginagawa para hindi sumbat-sumbatan ng ex!

UBOSCristy Fermin – Pilipino Star Ngayon

October 3, 2021 | 12:00am

Advertisements

May dahilan pala kung bakit hindi nagpo-post ng kanilang mga retrato, video at mensahe sa isa’t isa ang magkarelasyong popular na aktres at kilalang male personality.

Bukod sa pareho naman silang nagpapahalaga sa kanilang pribadong buhay ay may mas malalim pang dahilan kung bakit. Meron silang iniiwasan.

Unang komento ng aming source, “Kailangang piling-pili lang ang mga ipino-post nila. Hindi nila puwedeng ipakita kung gaano nila kamahal ang isa’t isa.

“May telepono naman, may face time, diretso na lang nilang sinasabi sa bawat isa ang nararamdaman nila. Puwede silang maglambingan sa phone mula umaga hanggang gabi kung gusto nila,” makabuluhang sabi ng aming impormante.

Sinusubaybayan pala kasi ng ex ng male personality ang kanilang mga sinasabi at ginagawa. Kapag naiinis ito sa kanilang pagmamahalan ay kung anu-anong isyu ang ibinabato ng female personality sa ama ng kanilang mga anak.

Patuloy ng aming source, “Sobrang insecure kasi ang girl sa karelasyon ngayon ng ex niya! Bakit naman hindi, e, beautiful naman talaga ang female personality?

“Panalo rin ang career niya, hindi siya nababakante, palagi siyang bumibida sa mga serye! E, ang stalker niyang girl, waley! Pasulput-sulpot lang ang trabaho na puro umpisa nga lang at hindi niya naman natatapos!

“Kunwari, nag-date sa isang sosyal na restaurant ang female personality at ang aktor, agad nang magmamarakulyo ang girl, kung anu-ano na ang ite-text sa ex niya!

“Kesyo hindi na nga raw nakapagbibigay ng sustento ang guy sa mga anak nila, e, nakakapag-dinner pa sa mamahaling resto kasama ang girlfriend niya!

“Stalker ang girl, di ba naman? Minamanmanan niya talaga ang female personality at ang ex niya! So, since sila naman ang nakakaunawa at hindi mahilig sa gulo, ang mag-boyfriend na lang ang nag-iingat at umiiwas!

“Kapag wala silang post, tahimik lang ang ex ng male personality, walang maibato laban sa kanya, nganga ang drama niya! Nakakaloka siya, ha? Napakatagal na nilang hiwalay, pero hanggang ngayon, hindi pa rin mapakali ang girl!

“Buti naman at meron na siyang bagong pagkakaabalahan ngayon, maganda ‘yun, mabi-busy siya, tantanan na niya ang pag-stalk sa ex niya at sa ipinalit sa kanya!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Raffy nag-file na ng COC, Willie susunod na!

Biyernes nang gabi ay binulabog ni Willie Revillame ang mga tumututok sa kanyang programang Wowowin-Tutok-To-Win.

Bago kasi siya nagpaalam ay sinabi niya, “Abangan n’yo po, sa October 7, meron akong ia-announce.” Natural, sangdamakmak na tawag at text ang tinanggap namin nu’ng Biyernes nang gabi.

Isa lang ang direksiyon ng mga tanong, magkakaiba lang ng bersiyon, ang pagkandidato raw ba ni Willie sa pagiging senador ang kanyang tinutumbok sa announcement na gagawin niya?

Magkakaiba ang komentong tinanggap namin. May mga nagsabing huwag na lang sana siyang lumahok sa pulitika dahil wawasakin lang ang buhay niya. Meron din namang nagkomentong sige lang, napapanahon na ang pagkandidato niya, para mas mapalawak niya pa ang ginagawa niyang pagtulong sa ating mga kababayan sa kanyang programa.

Pagkatapos niyang sabihin ang magiging pahayag niya sa October 7 ay tinext namin agad si Willie. Wala na bang urungan ang pagkandidato niya o kabaligtarang senaryo ang kanyang sasabihin sa publiko?

Tulad nang dati ay wala kaming nakuhang diretsong tugon mula sa TV host, isang nakauumay na “Secret!” lang ang kanyang sagot, wala siyang ibinigay na detalye.

Si Raffy Tulfo ay nagpaalam na sa mga programa niyang Idol In Action at Frontline Pilipinas nu’ng Biyernes, desidido na ang magaling na broadcaster na kumandidato bilang senador, at kahapon ay nagsusu­mite na ito ng COC.

Nagpaalam na ang palabang news anchor sa mga ehekutibo ng TV5, umiiyak ang ilang staff ng mga iiwanan nitong programa, pero kakambal nu’n ang pag-asang magtatagumpay sa mundo ng pulitika ang kanilang mahal na Idol Raffy.

Pero hanggang ngayo’y tahimik pa rin si Willie, walang nakakaalam kung pagbibigyan niya ang “panliligaw” sa kanya ni PRRD at Senador Bong Go, pero kung kilala nga namin nang isandaang porsiyento si Willie Revillame ay mas malakas ang aming kutob na hindi niya tatanggapin ang hamon.

Hindi dinisenyo si Willie para sa pulitika, malayo ang bituka niya sa magulong takbo ng pulitika sa ating bayan, ipagpapatuloy niya na lang ang pagtulong sa mga nagdarahop nating kababayan sa kanyang programa.

Source link

Leave a Reply

Advertisements