Aktres na sobrang payat, parang laging ginugutom sa lakas kumain

UBOSCristy Fermin – Pilipino Star Ngayon

October 7, 2021 | 12:00am

Advertisements

Sa ilang dekada nang pagtatrabaho ng aming source sa iba-ibang produksiyon ay kabisado na nito ang likaw ng bituka ng mga artista. Kilalang-kilala nito ang mga ugali ng mga personalidad.

At literal na rin nitong kabisado ang sobrang gana at kawalan ng panlasa ng mga artista. May matatabang personalidad na hindi naman malakas kumain, pero meron ding mga artistang payat na payat, pero parang may alagang mga bulate sa tiyan sa lakas lumafang.

Kuwento ng aming impormante na may maliit nang negosyo ngayon dahil iilang produksiyon na lang ang nagpo-produce, “Ay, kabisado na namin silang lahat! Kami kasi ang nagbibigay ng mga pagkain nila sa set. Kami ang hingian nila ng lahat ng mga kailangan nila.

“Grupo kami ng mga utility ng production. Food, kape, tubig, lahat ng kailangan nila, sa amin sila humihingi. Iba-iba ang ugali nila, may marespeto sa amin, meron ding mga maldita, samantalang wala pa namang masyadong name!” umpisang kuwento ng aming source.

Palibhasa’y pagod umarte, inaasahan na nila na mapapalakas kumain ang mga artista, gaganahang kumain para makapag-ipon uli ng lakas kapag nag-umpisa na uli ang trabaho.

Kuwento ng aming source, “Hindi lahat, e, ganu’n. Meron ding nawawalan ng ganang kumain, nalilipasan na sila ng gutom, kaya konting-konti lang silang kumain.

“Pero may isang babaeng artista na kung wala kang ganang kumain, e, kailangang sabayan mo, para mabuhay ang panlasa mo. Sobrang lakas niyang kumain, wala siyang pinipiling ulam, samantalang ang payat-payat niya naman!

“Nagtatanungan nga kaming magkakatropa kung saan niya inilalagay ang food, e, flat na flat naman ang tiyan niya! Ay, napakagana talaga niyang kumain, napakalakas niyang lumafang!

“Parang two days siyang nagutom, nakakatatlong kanin nga siya, samantalang kahit ang mga kontrabidang nakikipagbakbakan sa mga eksena, e, hanggang dalawang rice lang ang kaya!

“Nakapagtataka, para siyang may mga alagang bulate sa tiyan! Nagtatanungan talaga kaming magkakasama kung bakit ganu’n siya kalakas kumain!

“Pagod man siya o hindi, e, talagang magana siyang kumain. ‘Kuya, isa pang rice,’ ganu’n siya palagi, saka hindi siya maselan sa ulam!

“Name lang naman niya ang tunog-lalaki, pero babaeng-babae siya, saan nga kaya niya inilalagay ang sobra-sobrang food na kinakain niya?” nagtatakang-humahalakhak na kuwento pa ng aming source sa kanyang pagtatapos.

Ubos!

James, napilit lang kumandidatong konsehal!

Kakandidatong konsehal sa San Juan ang magaling na basketbolistang si James Yap. Mahusay siyang maglaro, mabait pa sa hardcourt, pero ni sa panaginip ay hindi kami nakakita ng pahimakas na papasukin niya ang pulitika.

Mahiyain kasi si James, sa mga interbyu nga ay kabadung-kabado siya, maghapon na lang daw sana siyang isalang sa paglalaro, kesa sa magpainterbyu.

Hindi nagamot ni Kris Aquino ang pagkamahiyain ni James Yap, ‘yun na talaga ang kanyang naturalesa, kaya nakagugulat na heto at pumasok na rin siya sa pulitika.

Sabi ng aming source, “Naku, nagkayayaan lang silang magkakaibigan kaya kakandidato siyang konsehal! Kung si James lang ang masusunod, e, hinding-hindi niya papasukin ang public service!

“Suwerte nga niya, puro virtual lang ang kampanya ngayon, walang entabladong aakyatin ang mga pulitiko! Aysus, kung ganu’n ang labanan, e, mapapanisan ng laway si James!” natatawang komento ng aming kausap.

Kung puso ang pag-uusapan ay panalo naman ang ama ni Bimby. Wala tayong na­ririnig na anumang negatibo tungkol sa ugali ni James, mabait siya, mahusay makisama.

Huwag na lang sanang katihin ang mga daliri ni Kris sa pagpo-post ng mga kuwento tungkol kay James Yap. Kilala naman natin si Kris, kapag ginusto nito ay walang makapipigil, baka biglang maglitanya ito na anong public service ang susungkitin ngayon ni James samantalang ni hindi nga niya dinadalaw si Bimby?

Hindi ba dinadalaw o ayaw ipakita? Basta, pasok na sa banga ang pagkandidatong konsehal ni James Yap. Ibigay na natin ‘yun sa kanya.

Bawat tao naman, kung mabibigyan lang ng pagkakataong ipakita ang kanyang kapasidad, ay may magagawang maganda para sa kanyang nasasakupan.

Kahit ganyan na tatahi-tahimik lang si James ay siguradong meron na siyang plantilya ng kanyang mga planong gawin kapag nanalo siya.

Tuturuan niyang mag-basketball ang mga kabataan ng San Juan. Magkakaroon ng mahuhusay na players ang lungsod na puwedeng ilaban nang sabayan sa PBA.

Bakit ba?

Source link

Leave a Reply

Advertisements