Aktres, sumusuka ang ipon sa bangko kahit pandemya!

UBOSCristy Fermin – Pilipino Star Ngayon

January 7, 2022 | 12:00am

Advertisements

Ilang pandemya man ang dumaan sa buhay ng isang kilalang female personality ay tatawanan lang niya. Hindi siya mag-aalala kung wala man siyang ginagawang proyekto.

Kung halos masira na ang ulo ng kanyang mga kapwa artista dahil sa kawalan ng kinikita ay pangiti-ngiti lang ang female personality.

Sigurado na ang kanyang kinabukasan. Wala na siyang mahihiling pa. Wala na rin siyang iintindihin tungkol sa kanyang pamilya.

Kuwento ng aming source, “Magaling ang utak ng babaeng ‘yun! Inuna muna niyang tinrabaho ang future niya. Mahirap na nga naman, wala namang promise ang buhay ng artista.

“Pana-panahon lang ang trabaho niya, walang kasiguruhan, kapag lumipas na ang panahon niya, e, paano na nga naman? Kung ang ibang artista d’yan, e, walang pag-iingat sa kinikita nila, ibahin natin ang female personality na ito!” unang komento ng aming source.

Kunsabagay ay may katotohanan ang aming impormante, bukod sa mautak na ang female personality ay hindi rin siya mahilig magpabongga, simple at tahimik lang siya.

“Kayang-kaya niya namang dalhin kahit ang buong angkan niya sa ibang bansa para makapag­liwaliw sila, pero ginagawa ba ‘yun ng girl?

“Kahit nga siya, e, hindi mahilig mangibang-bansa. Hindi siya ganu’n kaatat sa mga karaniwang ginagawa ng iba niyang katrabaho na magkaroon lang ng datung, e, nasa abroad na!

“Pero kumustahin naman natin ang bank book niya, sumusuka sa kapunuan! Kumustahin din natin ang mga properties na nabibili ng family niya, bonggang-bongga! Ganu’n siya kasimpleng gumalaw!” patotoo pa ng aming impormante.

Sinuwerte ang female personality na magkaroon ng mga karelasyong super-yaman. Hindi naman marami, mabibilang lang ang mga ito sa daliri, pero talagang sinuportahan siya.

Patuloy ng aming source, “’Yun ang maganda sa kanya, iniipon niya ang kadatungang tinatanggap niya sa karelasyon niya. Itinatabi niya ‘yun, ipinambibili ng mga ari-arian, kaya magaling talaga ang girl na ito!

“Kaya ano bang may pandemya? Ano bang wala siyang project na ginagawa? Nginingitian lang ‘yun ng girl! Sigurado na kasi ang kinabukasan niya!

“Pero sa kabila ng lahat ng katipiran niya, e, maligaya ngayon ang girl! Super-happy siya ngayon dahil meron siyang boyfriend na wala mang datung, e, mahal niya naman at mahal na mahal din siya!” nakairap na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Mel, ‘di tumupad sa pangako kay Kris!

May mga loyalista Kris Aquino na galit na galit ngayon sa nakahiwalay niyang karelasyong si Mel Sarmiento. Pinaasa lang daw nito ang TV host.

Ang kanilang punto, kung totoo raw na mahal ng pulitiko si Kris, tulad nang madalas nitong sabihin nu’ng bago pa lang sila ay bakit nakunsensiyang iwan ni Mel si Kris sa isang panahong kailangang-kailangan niya ang lalaki?

Ganu’n daw ba ang nagmamahal? Kasama lang sa ginhawa pero pagdating sa kagipitan ay bigla na lang itong mawawala? Matitindi ang mga paghusgang ibinabato ngayon laban kay Mel.

Awang-awa kay Kris ang kanyang mga tagahanga, ipinagpalit daw ni Mel si Kris sa kanyang nakasanayan, ang paglabas-labas kaya kontra ito sa bubble, napakababaw raw pala ng pagmamahal ng pulitiko kay Kris.

Napupuruhan ngayon ang pulitiko dahil sa ginawa nitong pagsagut-sagot nu’n sa mga nangnenega sa kanya bilang bagong boyfriend ni Kris.

Sagot nga kasi nang sagot nu’n ang pulitiko na mahal na mahal nito si Kris at hindi pababayaan, pero dahil lang sa issue ng bubble ay kumalas na agad ito, ganu’n daw ba ang tapat magmahal?

Text message pa lang ni Mel Sarmiento ang ibinahagi ni Kris sa publiko, hindi natin alam kung ano talaga ang pinag-ugatan ng kanilang hiwalayan, pero mukhang hindi na papatol pa ang pulitiko sa pinagpipistahang kontrobersiya ngayon.

Natural, ang mga trolls at bashers ni Kris ay nagpipista ngayon, panay-panay ang kahilang pagkokomento nang negatibo na nakatagpo raw ng katapat ang TV host, isang lalaking hindi niya kayang hawakan sa leeg.

“At hindi siya basta ginamit lang ni Mel, hindi naman siya tumakbo sa kahit anong position, kaya paano niya ginamit lang si Kris? Wala talagang tatagal sa babaeng ‘yun! Wala!” matindi pang reaksiyon ng isang galit kay Kris.

Mahaba pa ang tatakbuhin ng kontrobersiyang ito, pero mas mahalagang tutukan na muna ni Kris ang kanyang kalusugan, ‘yun ang pinakamahalaga niyang dapat gawin ngayon.

Marami pang lulutang na Mel Sarmiento, marami pa siyang makikilalang lalaking magmamahal sa kanya, pero iisa lang ang kanyang buhay na kailangan niyang tutukan-isalba.

Source link

Please follow and like us:

Leave a Reply

Advertisements
Pinterest
LinkedIn
Share
Instagram
Telegram
Reddit
Tiktok