Bulong Brigade malakas ang impluwensya sa lalaking personalidad

UBOSCristy Fermin – Pilipino Star Ngayon

September 30, 2021 | 12:00am

Advertisements

Kapag hindi natuto sa pagkilatis sa mga taong nakapaligid sa kanya ngayon ang isang sikat na male personality ay siguradong nganga ang kanyang aabutin sa lahat ng pinapasukan niyang mundo.

Pagpansin ng marami niyang kaibigan ay madali siyang makinig sa mga sulsol at bulong, hindi man lang siya nag-iisip kung makabubuti ba sa kanya ang mga ‘yun, palaging panalo ang Bulong Brigade ng sikat na lalaking personalidad.

Kuwento ng isang source, “Sayang ang lahat ng magagandang plano niya kapag palagi siyang nakikinig at naniniwala sa Bulong Brigade niya. Sayang na sayang!

“May katigasan kasi ang ulo niya, marami nang nagsasabi sa kanya na kumuha ng mga tamang tao para patakbuhin ang inaasinta niyang career, pero wala siyang pinakikinggan.

“Makakita lang siya ng taong magaling mag-English, siguradong tameme na siya, kahit pa hindi naman makagaganda para sa kanya ang ikinukuda ng mga taong ‘yun!” buwena-manong kuwento ng aming impormante.

Naglayuan na pala sa sikat na male personality ang mga dati niyang kaibigan. ‘Yun ang mga nakasama niya nu’ng hindi pa siya sikat at walang-wala pa sa buhay.

Dagdag na istorya ng aming source, “’Yun ang mga taong talagang nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya. ‘Yun ang mga kaibigan niya sa hirap at sa ginhawa.

“Pero dahil napapalibutan na nga siya ng mga taong pinaniniwalaan niya at wala na siyang panahon para sa mga dati niyang kaibigan, e, sila na mismo ang naglayuan.

“Tinatanaw na lang nila nang malayuan ang dating kaibigan nilang marunong makinig. Napapailing na lang sila sa mga nangyayari ngayon. Puro gulo ang aabutin ng sikat na male personality kapag patuloy siyang nakinig sa mga nakapaligid sa kanya,” sabi pa ng aming source.

Ngayon pa lang ay parang nakikinita na ng mga dating kasa-kasama ng sikat na male personality ang kabiguan niya sa napakalaking laban na haharapin niya.

Pagtatapos ng napapailing naming impormante, “Sabi ng mga well-meaning friends niya, e, pasok na pasok na raw ‘yun sa banga!”

Ubos!

Male singer na may bahid ang pagkalalaki, hinihingan ng anak ng magulang

Gustung-gusto na raw magbuo ng pamilya ang isang pamosong male singer. ‘Yun din ang hiling ng kanyang mga magulang, ang magkaroon na siya ng anak, sabik na sabik na sa apo ang kanyang mga paryentes.

Hindi ‘yun imposible, puwede namang mag-asawa ang male singer, kahit pa palaging kinukuwestiyon ang kanyang gender.

Sabi ng aming source, “Huwag na lang niyang pansinin ang pag-question sa gender niya, tingnan na lang niya ang future niya. Mas magandang kamay ng anak ang umaakay sa kanya kesa sa tungkod.”

Haaaayyyy!

Gretchen parang nanalo sa sabong ng bigas!

Ang ganda-ganda ng imahe ngayon ni Gretchen Barretto. Ang mga taong tinutulungan niya ngayong pandemya kahit hindi naman siya pulitiko ang nagpapabango sa kanyang pangalan.

Maraming bukod na pinagpala, maraming sumusuka sa kayamanan ang kanilang bulsa, pero iilan lang ang nagkakaroon ng pusong magbahagi ng kanilang mga biyaya.

Walang piniling padalhan ng tulong si Gretchen, lahat halos ng mga taga-showbiz ay pinadalhan niya ng bigas at groceries, kahit mga artistang meron namang naipon ay naalala rin niyang tulungan nang mula sa puso.

Panalo ang mga loyalista ng Take It, Per Minute… Me Gano’n dahil nagpa-raffle pa siya ng bigas. Nagpadala siya nang limampung kaban na dalawampu’t limang kilo ang laman ng sako, tuwing Martes ‘yun ipara-raffle ng TIPMMG, si Manay Lolit Solis ang namamahala dahil sa kanya ipinagkatiwala ni Gretchen ang limampung sakong bigas.

Nagsimula na kami nu’ng Martes, hanggang sa Pasko na ang pa-raffle, Team Ngangers ang mga tagasuporta ng Cristy Ferminute na sumali.

Nagtatanungan nga kami nina Manay Lolit at Mr. Fu. Meron kayang tumaya sa online sabong na natalo at bigas ang ipinambayad kina Gretchen at Atong Ang?

Saanman galing ang bigas na ipinamamahagi ni Gretchen ay hindi na mahalaga, ang importante ay ang maganda niyang puso sa pag-alalang makatulong ngayong pandemya, napapanahon ang kanyang ayuda sa mga nangangailangan ngayong napakahirap ng buhay.

 Sabi ng kaibigan naming propesor, “Siya ang classic example ng taong beautiful inside and out.”

Source link

Leave a Reply

Advertisements