Comebacking actor ‘di pa rin bumibitiw sa bisyo, lagi ngayong late sa meeting!

UBOSCristy Fermin – Pilipino Star Ngayon

October 10, 2021 | 12:00am

Advertisements

Gaano katotoo ang kuwentong lumulutang ngayon tungkol sa isang popular na male personality na hindi pa rin diumano bumabaklas sa pinagkakaabalahan niyang bisyo?

Siguradong kung may katotohanan ang mga kuwento ay sangdamakmak ang manghihinayang, malulungkot ang mga umaasang tuluy-tuloy na ang kanyang pagbabalik, dahil sayang na sayang naman talaga siya. Iupo sana siya at kausapin nang masinsinan ng mga nagsusulong sa kanyang pag-arte uli, kailangang maging malinaw sa kanya na trabaho ang pinasok niya, hindi pagpapapetiks-petiks lang.

Kuwento ng aming source, “Bibihira na lang ang mga artistang dalawang kamay pa ring tinatanggap ng publiko kapag nagbabalik. Karamihan, e, mainit lang sa una ang pagtanggap, pero agaran ding lumalamig.

“E, ang male personality na ito, palibhasa nga, e, magaling naman talaga siyang umarte at kumikita ang mga pelikula niya kahit sino pa ang partner niya, sayang na sayang kung hanggang sa umpisa lang ang init ng enthusiasm niya!” simulang kuwento ng aming impormante.

Kinakitaan nang matinding interes ang male personality nu’ng una, para siyang sabik na sabik sa pag-arte uli, pero anyare nu’ng magtagal-tagal na?

Sabi ng aming source, “Sa mga meeting pa lang nila ng mga taong nagpu-push sa kanya, e, palagi na siyang late. Nagpapahintay siya nang matagal, samantalang siya ang may kailangan.

“Bakit nga naman ganu’n? Dapat nga, e, siya ang mauna sa meeting. Kesehodang mainip pa siya sa kahihintay, e, okey lang, anyway, siya naman ang mas nangangailangan ng tulong.

“Pero baligtad ang nangyayari, siya pa ang nale-late, siya pa ang hinihintay ng mga ka-meeting niya!” napapailing na kuwento ng aming source.

Pinasinungalingan ng impormante na hanggang ngayon ay nagbibisyo pa rin ang male personality. Malinis na raw siya, talagang hindi na tumitikim, mabigat lang daw talaga ang katawan ngayon ng aktor.

Patuloy ng aming source, “Wala na, bumaklas na siya sa bisyo, talagang umiwas na siya, very clean na siya ngayon. Disiplina na lang ang kulang sa kanya, may kabigatan ang katawan niya ngayon.

“’Yun ang mahirap kapag matagal na nabakante ang artista, parang naninibago na naman siya, kaya siya palaging late sa usapan. ‘Yun na lang talaga ang kailangan niyang ayusin, pero bisyo? Waley na!

“Kailangang magsipag siya, sayang na sayang ang opportunity, tutukan niya ang disiplina para super-ganda ang pagbabalik niya!” positibong pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Mayor Isko, nadiskubre ang tunay na kulay nang birahin si VP Leni

Kapansin-pansin na biglang naisantabi ang mga kuwentong Mayor Isko Moreno nang magpahayag na ng pagtakbo-pakikipagtuos sa panguluhan si Vice-President Leni Robredo.

At mukhang natigatig ang mayor ng Maynila sa paglutang ni VP Leni, nagpakawala siya agad ng mga salitang mas maanghang pa sa siling-labuyo, huwag daw maniniwala sa pagpapalit ng kulay.

Komento ng isang nakausap namin, “Nasaan na ‘yung mga una niyang sinabi na maaaring marumi nga ang buong katawan niya, pero hindi kailangang punasan ang bibig niya! Nasaan na ‘yun? Napakaaga niyang napikon!”

At hindi na rin nakapagpigil ang loyalista ng PSN na si SOS, ang kanyang komento, “Sabi niya, e, magiging healing president daw siya, pero ngayon pa lang, triggered na siya kay VP Leni! Ang talas-talas ng mga pinakawalan niyang salita na hindi makapagpapagaling sa anumang sugat!

“Huwag daw maniniwala sa pagpapalit ng kulay (from yellow to pink) pero di ba, nagpapalit-palit din naman ng kulay si Mayor Isko? Ang dali-dali niya namang makalimot!

“Mula kay Mayor Lim, lumipat siya kay Mayor Erap, kay Senator Grace Poe at kay PRRD. Siya po ang confirmed na political butterfly! Oportunista, sa madaling salita

“E, si VP Leni, sa Liberal Party na mula nu’ng 2013 hanggang ngayon. Grabe po ang talas ng dila ni Yorme Isko, very dangerous po, ngayon pa lang, e, lumalabas na ang tunay na kulay niya!

“Sabi nga po, ang tanso, itubog man sa ginto, e, tanso pa rin! May kasabihan din po tayo na ang unggoy, bihisan man ng ginto, e, unggoy pa rin!

“Marami pong nadismaya kay Mayor Isko, ang ganda pa naman ng kartada niya, pero nu’ng magsalita na siya laban kay VP Leni, e, marami nang nagpalit ng mamanukin sa panguluhan!” mahabang komento ng aming kritikong si SOS.

Obserbasyon naman ng ibang nakausap namin ay nagulantang si Mayor Isko nang magmistulang malaking garden ng pink roses ang social media nang magdeklara na si VP Leni.

Pati ang emojing puso ay kulay rosas na rin ngayon at hindi na pula. At ang pinakamatindi, ang mga nagpalutang ng pagsuporta kay VP Leni ay mga artista, mga kapwa artista ng mayor ng Maynila.

Aba, nakakatigatig nga naman ang ganu’n, hindi sinusuportahan si Mayor Isko sa sarili niyang bayan!

Source link

Leave a Reply

Advertisements