Darren napintasan, pumalpak ang lyrics sa sinalong kanta ni Gary V.

ISYU AT BANAT!Ed de Leon – Pilipino Star Ngayon

October 6, 2021 | 12:00am

Advertisements

Ilang araw nang usap-usapan ang pagpalpak ng performance ni Darren Espanto sa kanilang Sunday noontime show.

Mahirap talagang ipaliwanag sa audience kung bakit ang isang professional singer na kagaya ni Darren ay hindi kabisado ang lyrics na dapat niyang kantahin. Malaking pagkakamali iyan para sa isang singer, lalo na at ang kanyang performance ay live.

Pero may dahilan naman pala. Iyon daw kantang iyon ay parte sana ni Gary Valenciano, na hindi naman nakarating sa kanilang live studio, kaya hiniritan nila si Darren na kantahin ang parteng iyon. Talagang hindi niya alam ang lyrics ng kanta. In short umasa siya na may teleprompter naman. Eh nagloko nga raw ang teleprompter.

Hindi masasabing kapabayaan iyon ni Darren. Kung alam ninyo ang nangyayari sa loob ng isang live studio, lalo’t nagsimula na ang isang show at kulang-kulang pa ang performers, nagkakaroon talaga ng biglaang substitution. Iyang mga kanta, bukod nga sa teleprompter, iginagawa iyan noon ng idiot board, dahil papaano nga kung magkaroon ng trouble ang makina?

Ang ABS-CBN naman na kulang na sa tao simula noong mawalan ng franchise at hindi na nga kumikita kaya kailangang magtipid, wala nang nakagagawa ng mga fallback alternative.

Hindi rin naman natin masasabing kasalanan ng production staff, kasi sino ba naman ang mag-iisip sa kanila na papalpak nga ang kanilang teleprompter? At sino ba naman ang mag-iisip na hindi makakarating si Gary Valenciano, at si Darren na hindi nabigyan ng kopya ng lyrics na kanyang kakantahin ang hihilahin nila?

In short wala kang maaaring sisihing may kasalanan, pero may leksiyon para kay Darren. Iniwasan niya na masabing maarte siya kaya pumayag siyang pumalit kay Gary V., hindi niya naisip na hindi siya handa at dahil pumalpak nga siya napintasan pa siya samantalang  nagmagandang loob lang naman siya. Paulit-ulit niyang maririnig iyan.

Ang isang professional singer ay una dapat bigyan ng professional treatment, hindi iyong basta hinihila na lang nang ganoon. Kung sa mga Kano iyan, hindi sila papayag. Ang isang professional singer ay hindi magbakasakali sa isang performance, dahil papaano nga kung pumalpak?

Ryan Cayabyab, nadismaya sa toll fee ng skyway

Natawa kami sa comment ni maestro Ryan Cayabyab. First time raw niyang gumamit ng bagong bukas na Skyway. Napa-wow siya dahil napakabilis daw niyang nakarating mula sa Araneta Avenue sa Quezon City papuntang Bicutan.

Malaking ginhawa talaga dahil naaalala nga namin iyong kunsumisyon kung babagtasin mo ang kalye at ang traffic lalo na sa Quirino pa­punta sa Osmeña Highway, at iyong kunsumisyon din ng traffic papasok sa SLEX. Pero napa-wow din siya dahil ang kabuuang toll na binayaran niya ay P366.

Bagama’t iyang Skyway na iyan ay ipinagmamalaki ng gobyerno, hindi naman gobyerno ang gumawa niyan kundi pribadong sector, na natural babawiin ang gastos nila at kailangang tumubo rin.

Kung gusto mo ng convenience, humanda kang magbayad. Hindi na kagaya noong araw na gobyerno ang gumagawa ng kalye, ngayon pribado nang lahat. Wala nang pondo ang gobyerno, ang laki na nga ng utang eh, at magpapatuloy iyan kung mga limang dekada lang mula ngayon.

Kaya marami ang nagtitiis pa rin sa pesteng traffic dahil hindi nila kayang bumayad ng patung-patong na toll.

Iyan ang katotohanang nalaman ngayon ni Maestro Ryan.

Aktres, ayaw ma-link sa bading na baguhang matinee idol

Ayaw pumayag ng isang female star na ma-link siya sa isang baguhang matinee idol.

“Bakit ako ili-link sa kanya at sasibihing there is something between us eh hindi naman talaga. Gay siya eh at naging boyfriend pa nga niya iyong isang kaibigan ko noon,” sabi ng female star.

Oo nga naman, napakasamang ipamalita na mag-on sila for publicity purposes samantalang bading naman ang lalaki, at talo siya dahil una pang nagkaroon ng boyfriend kaysa sa kanya. At saka matagal nang balita talagang bading iyon, mahusay nga lang magtago.

Source link

Leave a Reply

Advertisements