November 2, 2021 | 12:00am
Nag-trending nung Linggo ng gabi ang #McLisse pagkatapos bumalik sa Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 ang magkasintahang McCoy de Leon at Elisse Joson.
Doon nila ini-reveal ang balitang meron na silang baby girl na pinangalanan nilang si Felisse McKenzie.
Ang dating sa amin ay nakaplano na itaon sa PBB ang revelation ng pagkakaroon ng baby nina McCoy at Elisse.
Nang nakausap nga nila si Kuya, doon nila sinabing may pinasok silang negosyo. Ang Jewelry business para na rin daw sa kanilang future. “Gusto namin magkaroon ng investement na someday makatulong sa amin at sa pamilya namin, in the future,” pakli ni McCoy na ipinagtaka ni Kuya kung anong ibig sabihin ng ‘family’ nila.
Sabi ni Elisse; “Kami po ni McCoy meron po kaming isang napakaganda at napakabait na baby girl.”
Dugtong ni McCoy; “Alam naman namin na imposibleng makita ka. Pero gusto naming tingalain ka bilang isang ninong, isang godparent na punung-puno ng wisdom. Kaya naisip po namin na lumapit sa inyo.
“Ang sabi n’yo nga po nakatakda. Itinakda kami rito.”
Nakatakda na nga lahat, na dahil na rin sa PBB ay nagkakilala sila, nabuo ang isang magandang relasyon.
Ang dami ring pinagdaanang challenges, pero ang ending ay sila pa rin.
Naalala namin nung huling nakapanayam namin si McCoy nang mag-courtesy call sila kay Mayor Isko Moreno para sa musical film nilang Yorme. Doon inamin ni McCoy na nagkabalikan na nga raw sila ni Elisse at okay na raw sila, at ganun na rin daw siya sa mommy ng aktres.
‘Yun pala ay nagbunga na ang kanilang pagmamahalan.
Hindi pa naman idinetalye ng magkasintahan kung kailan sila nagka-baby. Nakikita namang masayang-masaya silang dalawa sa bagong challenge na hinaharap nila bilang magulang ni Felisse McKenzie.
Mygz, ‘di pa nakaka-move on sa pagpanaw ni Mahal
Naluha rin ako sa Halloween episode ng The Boobay and Tekla Show nung nakaraang Linggo ng gabi, kung saan ay special guest nila ang indie actor at vlogger na si Mygz Molino na nakilalang partner ni Mahal.
Nag-hit ang kanilang YouTube channel dahil sa partnership nila ni Mahal, lalo na nitong mga huling vlogs nila na ang dami nilang napasaya.
Nakakabigla ang pagpanaw ni Mahal dahil sa COVID-19 at isa sa sobrang apektado ay si Mygz.
Hindi napigilan ni Mygz na mapahagulgol sa interview sa kanya nina Boobay, Super Tekla ng Mema squad, dahil aminado siyang sobrang nami-miss pa rin niya ang komedyante at hindi pa rin daw siya nakapag-move on. “Sa bahay kasi nakikita mo siya kahit saan. Sa kuwarto, sa mesa. Kaya minsan hindi na ako natambay sa bahay, dun na ako sa likod. Naalala ko palagi siya. Sobrang hirap niyang kalimutan. Hindi pa ako naka-move on sa nangyari sa kanya.”
Si Buboy Villar na kasama rin sa naturang programa ay nagpakatotoo kung paano alagaan ni Mygz si Mahal, dahil ilang beses silang nagkasama sa mga programa at itong huli nga sa Owe My Love. “Talagang sobrang sipag ni Kuya Mygz kasi hindi naman talaga nakakahakbang si Mahal ng hagdan. So, binubuhat pa ni Kuya Mygz ‘yun. Binubuhat niya… hanggang sa nag-pack up, lahat ng gamit,” pahayag ni Buboy.
Nangako si Mygz na itutuloy pa rin niya ang nasimulan nilang pagba-vlog ni Mahal at ang paghahatid ng tulong. “May mga usapan naman kami about sa mga content. ‘Yung tulong namin na gagawin na naumpisahan nga namin kay Mura. This time kasi may mga nagsasabing ituloy ko din. Ituloy pa rin, kasi mas nagugustuhan nya ‘yung mga gagawin namin sana ngayon, ‘yung pagtulong, ‘yung pagbigay sa mga nangangailangan, iyun talaga ang gagawin namin talaga.
“Itong gagawin ko po ay alay kay Mahal. Maraming maraming salamat po sa inyong lahat,” maluha-luhang pahayag ni Mygz.
Nagpapasalamat din siya sa pamilya ni Mahal na mabait daw sa kanya at napaka-supportive daw nila.
Nangako naman daw siyang mananatili siyang bahagi ng pamilya ni Mahal.